|
Marami sa atin ang may malinaw na alaala ng mga pagkaing gustong-gusto natin nung bata tayo. May iba na tandang-tanda pa ang Choco-Vim. Kaya sa mga hindi pa nakakaalam o nakakapansin, sa mga taong napag-isipan na ang posibilidad na ito at ayaw ‘tong tanggapin, at sa mga naghahanap at nagtataka, malungkot kong ibinabalita na talagang wala na nga ang Planters Cheez Curls at Cheez Balls. Oo, naririnig ko ang paghiyaw ninyo at ang pagsigaw ng, “O, hindeeeeeee!” dahil ganyan din ang naging tugon ko sa masaklap na katotohanang ito. Naiintindihan ko ang nararamdaman ninyo. Siguro sa totoo lang, matagal ko na ring alam ito. Ayoko lang aminin sa sarili ko dahil masyadong nakakalungkot isipin. Noong isang taon kasi, nagpunta ako sa isang tindahan sa isang mall para maghanap ng Cheez Curls at Cheez Balls. Nitong mga nakalipas na taon kasi doon na lang ako nakakabili n’on eh. Isa na yatang pangitain yon na paubos na ang pinakamamahal kong chichirya. Ang sabi kasi sa akin, “Oo, magkakaroon ulit kami noon sa susunod na buwan, ‘wag kang mag-alala,” kaya umasa ako. Pinalipas ko pa ang isang buwan at kalahati para siguradong nagbalik sa mga estante nila ang mahiwagang mga latang kulay asul na may dilaw na takip. Excited pa man din akong bumalik sa tindahang ‘yon, pero wala pa rin yung inaasam ko. Nagpunta rin ako sa isang malaking supermarket at isang maliit na convenience store kung saan alam kong nagbebenta rin sila ng Cheez Curls at Cheez Balls. Baka sakaling meron ulit sila. Wala akong napala. May mga pinagtanungan akong empleyado sa mga tindahang ‘yon at ang naisagot lang nila sa akin ay “Ma’am, wala na kami n’on eh.” Kaya naghanap ako sa Internet. Bakit nga naman ako mababahala, eh halos lahat ng bagay eh natatagpuan sa Internet? Pati nga yung isang kanta na huli kong narinig sa radyo noon pang 1999, meron eh. Plaka nga lang, kasi nung hinanap ko siya sa Napster noong 2001 at sa Limewire noong isang taon eh wala rin siya. Pero ang bangis, di ba? May nabingwit pa rin akong plaka mula sa eBay kahit wala na yung kumpanyang gumawa n’on. Kahit nga mga lumang episode ng The Real Ghostbusters at Visionaries: Knights of the Magical Light meron eh. Kaya kampante ako na may mapagkukuhanan ako ng Cheez Curls at Cheez Balls. Subalit sa unang pagkakataon, binigo ako ng Internet. Wala rin akong nakita. Maraming mga website na nagbabanggit na meron silang binebentang Cheez Curls at Cheez Balls, pero pagtingin ko, wala naman pala. Kadalasan may nakapaskil na “Out of stock” o “Unavailable.” Nagpunta rin ako siyempre sa website ng Planters. Bakit nga ba hindi ko naisip yon kaagad? Siguro may impormasyon sila tungkol sa hinahanap ko. Pero pagdating ko doon, wala rin akong nakuha. Puro larawan at kwento lang tungkol sa mga binebenta na nila mga mani. Mani! Lintek, ayoko ng mani, gusto ko Cheez Curls at Cheez Balls! Ayoko ng mga snack na maganda para sa kalusugan ko! Ayokong malaman na mas mainam kainin ang mani para sa mga nagpapapayat! Wala akong interes sa mga ‘vintage’ na mga lata! Gusto ko yung chichiryang maalat at sobrang ma-keso na nakakapanilaw ng daliri ko!! Nakakasama pa ng loob kasi parang initsa lang nila sa kawalan ang Cheez Curls at Cheez Balls. Wala man lang silang binanggit tungkol sa pagkawala ng mga produkto nilang ‘yon. Kung nakuha nilang isalaysay ang buong kasaysayan ng mga pinagmamalaki nilang mani, bakit wala silang katalogo ng mga yumao nilang mga chichirya? Iniisip niyo siguro, “Marami namang chichirya d’yan na masarap at ma-keso din naman. Tapos magkano lang sila at gawang Pilipino. Bakit mo ba hinahanap yung wala na tapos gawang dayuhan pa?” Dahil lumaki ako sa Cheez Curls at Cheez Balls. Hindi ko naman ibig sabihin na yun lang ang pinakain sa akin ng magulang ko. Ibig kong sabihin ay yon ang chichiryang naging paborito ko simula noong limang taong gulang pa lang ako. Wala akong pakialam noon kung sinasabi ng mga guro ko sa eskwelahan na hindi maganda ang junk food sa katawan. Hindi rin ako nagpagapi sa takot nung sinabihan ako ng ate ko na kalaban ng kalusugan ang monosodium glutamate. Mahirap ipaliwanag kung bakit katangi-tangi ito, pero nakatitiyak ako na ang mga taong ka-edad ko ay naaalala rin ang dalawang chichiryang ‘to at naiintindihan nila kung bakit ito kakaiba. Kahit nga si Isabel Oli ay may larawan sa isang magasin na nagpapakitang kumakain rin siya nito noong bata pa siya—naka-pajama na siya’t lahat sa larawan, pero may malaking lata ng Cheez Curls sa tabi niya at makikitang naninilaw rin ang mga daliri niya. Malinaw pa sa alaala ko ang pakiramdam ng may hawak kang lata ng dalawang chichiryang ’to. Noong dekada otsenta, pagbukas na pagbukas mo sa lata ng Cheez Curls at Cheez Balls ay tatanggalin mo pa ang isang pang takip na lata sa loob na siyang nagpo-protekta sa nilalaman nito. Pagdating ng dekada nubenta, naging foil na ang takip sa loob. Pagbukas mo sa Cheez Balls ay makikita mo na ang mga bilog na pirasong ma-keso at nakaka-adik at maaari mo nang simulan ang paglamon. Iba-iba naman ang laki ng mga laman ng Cheez Curls. Pwede mong simulang kainin ang malalaking piraso kaagad at itira ang mga maliliit na piraso na pwede mong ibuhos sa iyong bibig diretso mula sa lata. Pwede rin naman unahin mo ang mga maliliit para malasap mo nang mabuti yung malalaking piraso. May kaunting pagkakaiba ang Cheez Curls at Cheez Balls maliban sa hugis, tulad ng lasa nila, pero ang pagkakatulad naman nila ay ang kalungkutang madarama mo pag naubos mo na sila, ang anticipation mo sa susunod mong pagbili nito, at ang posibilidad na mauubos mo na naman sila sa isang upuan, kahit gaano pa sila kalaki o kapuno. Naging malaking bahagi ng buhay ko ang Cheez Curls at Cheez Balls. Pag namimili noon ang nanay ko, hindi ko na kailangan pang ipaalala sa kanya na bumili nito; gan’on niya alam ang pagkahilig ko. Kapag merong isang lata nito sa bahay, hindi ako mapakali buong araw sa paaralan. Gusto ko nang makauwi para makain ko na ito. Siyempre ayoko naman itong dalhin sa klase dahil sigurado maraming makikisawsaw hanggang sa wala nang natira para sa akin. Oo, napakita rin nito na may pagka-madamot din ako. Isang beses ay bitbit-bitbit ko pa ang isang pagkalaki-laking lata ng Cheez Curls sa eroplano nung naglakbay kami ng magulang mula sa Amerika. Masaya ko itong pinapak nung biyahe. Naaalala ko rin yung panahon na nagkasakit ang tatay ko’t kinailangan niyang manatili sa ospital. Problemado kami noon, at ang nakatulong sa akin para gumaan ang pakiramdam ko ay ang pagkain ng Cheez Balls. Pagtapak ko sa kolehiyo, medyo nabawasan ang pagkain ko ng Cheez Curls at Cheez Balls. Pumasok sa utak ko na kailangan ko nang magpapayat at bawasan ang pagkain ng mga chichirya. Kaya naging paminsan-minsan na lang ang pagbili ko. Kapag nasa supermarket kami ng nanay ko at nadadaan kami sa hilera ng mga chichirya, itatanong niya sa akin lagi, “O, hindi ka ba kukuha?” Naisip ko noon na hindi naman sila mawawala eh, kaya madalas ay nilalampasan ko lang sila. Siguro dapat noon ay napansin ko na rin na may mga pagbabagong parating nung nakita kong maliliit na supot na lamang ang binebenta nila. Kaya lang sumulong muli ang interes ko sa pagbili ng Cheez Curls at Cheez Balls nung nagsimula na ‘kong magtrabaho. Doon ko kasi natuklasan yung tindahan nga sa mall na nagbebenta ng mga ito. Noong panahong yon, wala na halos makita sa ibang lugar. Sayang at hindi ko pa rin ito sinamantala, dahil ang nasa isip ko pa rin ay hindi posible na sila’y maglaho. Maling-mali ako, at dapat talaga pinakyaw ko na ang lahat ng nakita kong Cheez Curls at Cheez Balls. Isang taon na ang nakalipas nung sinabihan ako sa tindahan na wala na silang binebentang gan’on, pero hanggang ngayon ay bumabalik pa rin ako doon sa pag-asang meron ulit sila. Gumaan ang pakiramdam ko dahil nung isang linggo, nalaman ko na hindi pala ako nag-iisa sa kalungkutang nadarama ko. May nakita akong weblog na ang hinaing/pagtangis ay “Where are all the Cheez Balls?” Ang kwento niya ay naghagilap din sila ng kaibigan niya nito, at kung saan-saang tindahan din sila napadpad, subalit tulad ko ay nabigo rin sila. Ang mga komento pa ng mga tao ang nagpagaan sa pakiramdam ko, dahil 50 na tao ang sumagot at lahat sila’y ito rin pala ang katanungan. May iba pa na gustong sulatan ang Planters upang ibalik nila ang Cheez Curls at Cheez Balls. Marami daw mga hindi kaaya-ayang mga chichiryang binebenta ngayon, bakit daw kailangang mawala pa ang dalawa sa mga pinakamasasarap? May nagsabi din sa lahat na may isang tindahan sa Maine na minsan ay nagbebenta ng mga produktong discontinued, pero Diyos ko naman, alangan namang dumayo pa ‘ko nang ganoong pagkalayo-layo? Hehe, kung siraulo talaga ako, malamang eh kahit yun ay magagawa ko. Sa ngayon, may mga matatagpuan nang mga produktong nag-aasam na maging kapalit ng Cheez Curls at Cheez Balls. Siguro mahilig rin yung mga taong nasa kumpanyang gumawa ng mga ‘yon sa Cheez Curls at Cheez Balls, kasi naglabasan lang sila nung nawala ang mga orihinal. Pwede na rin silang pagtiyagaan kahit papa’no, at meron ding iba na halos kalasa na rin ng Cheez Curls at Cheez Balls. Kailangan nga lang ay ipipikit mo ang mga mata mo habang nginunguya ang ika-sampung piraso at makukumbinsi ka na Cheez Curls o Cheez Balls nga ang kinakain mo. Subalit umaasa pa rin ako na may isang pook sa bansang ito na may lihim na stash ng Cheez Curls at Cheez Balls, kaya kung may nalalaman kayo, pakisabi naman sa akin at ililibre ko kayo ng hapunan. Ano ang natutunan ko sa karanasang ito? Unang-una, kapag napansin mo nang unti-unting naglalaho ang bagay na gusto mo, kumilos ka kaagad at hanapin ito. Magtanong kung saan ito napunta. At kung may gusto ka talagang bagay, lubusin mo ang panahon at lasapin mo ito--bago mahuli ang lahat.
|
Sa kasalukuyan, maraming nagtatangkang pumalit sa Cheez Curls at Cheez Balls. Ang ibang mga kumpanya ay ginagaya rin mismo ang itsura ng dalawang produktong ito, pati na ang bughaw at dilaw na kulay ng mga lata. Wala pa akong nakikitang kapalit ng Cheez Balls, subalit sa Cheez Curls naman ay pwede na ang Cheetos, na isang produktong matagal na ring alam ng lahat.
|